Aklan News
Elementary school sa Boracay, nag suspende ng klase dahil sa masangsang na amoy
Boracay – Sinuspende ng pamunuan ng Manocmanoc Elementary School ang kanilang klase kaninang hapon matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan at lalamunan, pagtatae , pagkahilo at pagsusuka ang mga guro at estudyante.
Ito ay dahil sa nakakasukang amoy ng basura kung saan malapit ang eskwelahan sa Material Recovery Facility (MRF) ng Brgy. Manocmanoc sa isla ng Boracay.
Ang nasabing hakbang ng eskwelahan ay upang ma proteksyunan ang kalusugan ng mga mag-aaral at mga guro dulot ng nakakasulasok na amoy ng basura.
Ilang araw na rin umanong tinitiis ng mga guro at estudyante ang mabahong amoy at mas lalo pa umano itong tumindi ngayon.
Dahil dito nanawagan ang pamunuan ng naturang eskwelahan sa mga opisyales ng Malay na bigyan ng agarang aksyon ang kanilang problema na naging dahilan ng pagkaantala ng kanilang klase.