Connect with us

Aklan News

Ex-kagawad patay sa pananambang sa Brgy. Rivera, Ibajay; Inang kapitan, sugatan

Published

on

Dead on the spot ang dating kagawad samantalang sugatan naman ang ina nitong kapitana matapos tambangan at barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Rivera, Ibajay, Aklan nitong Miyerkules.

Kinilala ang mga biktima na sina Jim Belinario, dating kagawad at ina nitong si Mageline Belinario, kapitana ng nabanggit na barangay.

Nagtamo ng tama ng pagbaril sa ulo ang batang Belinario samantalang may tama naman sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang ina nito na ginagamot ngayon sa Aklan Provincial Hospital.

Ayon kay PCapt. Rajiv Salbino, hepe ng Ibajay PNP, pagdating umano ng motorsiklong sinasakyan ng mga biktima sa palikong bahagi ng kalsada ay binaril ang mga ito ng tatlong hindi pa nakikilalang mga lalaki.

“Habang papa-akyat ang motor na dina-drive ng anak ni kapitan ay pagdatin po doon sa curve portion papuntang Cabugao ay binaril po sila ng tatlong unidentified na lalaki,” pahayag ni PCapt. Salbino sa panayam ng Radyo Todo.

Aniya pa, posibleng ang mag-ina talaga ang target ng mga gunman dahil lumalabas sa kanilang imbestigasyon na unang lumabas sa lugar ang kanilang barangay treasurer ngunit hindi naman ito binaril at sa pagdaan na umano ng mag-ina nangyari ang krimen.

Nangangahulugan lamang ito ayon kay Salbino na ang mag-inang Belinario ang inaantay at inaabangan ng mga suspek

“Nakikita po natin na sila po talaga yung target ng ating gunman kasi po ayon po sa imbestigasyon natin, una na pong lumabas doon sa area yung barangay treasurer nila. So hindi naman po siya binaril. And then pagkadaan po nila kapitan at tsaka ng kanyang anak, that’s the only time na binaril na po sila. So ibig sabihin po noon sila po talaga yung inaantay tsaka inaabangan ng gunman,” saad pa ni Salbino.

Samantala, tumakbo naman papuntang bulubunduking bahagi sa direksiyon patungong barangay Napatag, Tangalan ang mga suspek matapos ang krimen.

“Ang suspek po natin ay tumakbo papunta sa mountainous area in the direction of barangay Napatag, Tangalan, Aklan. So pa-bundok na po, patawid na po ng kabilang munisipyo,” dagdag pa nito.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Ibajay PNP upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo sa nangyaring krimen.