Connect with us

Aklan News

Exemption sa pagsusuot ng helmet sa Poblacion, Kalibo, isinusulong ni SB Marte

Published

on

Isinusulong ni SB member Ronald Marte ang isang resolusyon na layong i-exempt sa pagsuot ng helmet ang mga motorista sa Poblacion, Kalibo.

Sa panayam ng Radyo Todo sinabi ng konsehal na ito ay para hindi mahirapan ang mga kapulisan sa kanilang mga imbestigasyon sa mga krimen na kinasasangkutan ng mga motor riding suspect na nakasuot ng helmet.

Sa kanilang session kahapon, hiniling ni Marte sa kalibo PNP at Traffic and Transport Management Department (TTMD) na pag-aralan ang posibilidad ng pagtanggal ng helmet requirement.

Paliwanag niya, ginagamit ng ilang indibidwal ang helmet sa paggawa ng krimen at mga kalokohan.

Aniya pa, mga nasa 40 km per hour lang naman at hindi umaabot sa 100 km per hour ang average ng takbo ng mga sasakyan sa loob ng Poblacion.

Nagawa na umano ito sa ibang lugar sa Aklan at bansa kaya naman nais niyang malaman kung posible rin itong maipatupad sa Kalibo.

Pag-uusapan pa umano ang nasabing panukala sa committee hearing at nais rin nilang imbitahan ang Land Transportation Office, Highway Patrol Group at Kalibo Auxiliary Police para malaman kung ano ang ginawa ng ibang mga lugar na maaari rin nilang ma-apply sa Kalibo. MAS