Aklan News
Fact Finding Committee binuo kasunod ng pagkamatay ng 4 pasyente sa RMPH
Pinaiimbestigahan ngayon ni Gobernor Nonoy Contreras ang pagkamatay ng apat na pasyente sa Roxas Memorial Provincial Hospital Disyembre 25 noong nakaraang taon.
Kaugnay rito nagbaba siya ng Memorandum Order 008 para bumuo ng isang Fact Finding Committee.
Mababatid na una nang lumabas ang mga ulat na namatay ang apat na mga pasyente sa naturang ospital dahil sa umano hindi pagpapaandar ng generator set.
Naganap ang insidente sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Ursula sa Capiz na nagdulot ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa buong lalawigan.
Nakasaad sa memorandum na ito ang pagtatalaga sa head ng Provincial Health Office bilang chairperson ng investigating committee.
Kasama sa composition ang mga head ng Provincial Legal Office, Provincial General Services Office, at Provincial Engineering Office, at chairperson ng Committee on Health ng Sangguniang Panlalawigan.
Inaatasan ng gobernador ang komitiba na alamin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng mga pasyente. Pinari-review rin niya ang standard operating procedure ng ospital kapag may mga ganitong sitwasyon.
Kaugnay rito, nais ni Contreras na magbuo ng rekomendasyon ang komitiba para mapabuti pa ang serbisyo ng ospital sa publiko.
Binigyan ng Chief Executive ang komitiba ng sampong araw na palugit para magsagawa ng pagpupulong matapos niyang ibaba ang memorandum nitong Enero 10.
Pinasusumite niya ang ulat at rekomendasyon ng committee sa loob ng 15 days.