Aklan News
Fish vendors sa Kalibo Public Market, hindi apektado sa kumakalat na ‘issue’ hinggil sa mga isda mula Antique
Nilinaw ng mga negosyante ng isda sa Kalibo Public Market na hindi umano sila apektado sa mga kumakalat na usapin online patungkol sa pagbabawal na bumili ng mga isda.
Kasunod ito ng pagkasira ng bahagi ng isang sementeryo sa Antique bunsod ng habagat at bagyo kung saan sinasabing may mga bangkay na inanod sa dagat.
Sa panayam ng Radyo Todo sa ilang mga fish vendors sa Kalibo, wala umano silang supply ng nagmumula sa Antique.
Anila, ang mga ibinebenta nilang isda ay mula sa iba’t-ibang bayan sa Aklan gaya ng New Washington, New Buswang, Andagao at karamihan ay mula sa Roxas at Iloilo.
Samantala, may mga mamimili rin umanong nagtatanong at nagdadalawang-isip bumili ng isda ngunit ipinasiguro nila na hindi apektado ang Aklan.
Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang BFAR hinggil dito.