Connect with us

Aklan News

Freelance massage therapist sa Boracay Island, timbog sa drug buybust ops

Published

on

Timbog ang isang freelance massage therapist sa ikinasang drug-buybust operation ng mga kapulisan sa Sitio Bantud, Manoc-Manoc, Boracay ngayong araw ng Linggo.

Kinilala ang nasabing suspek na si Elmer Castro, 29, residente ng barangay Andagao, Kalibo at kasalukuyang nagtatrabaho sa isla.

Nabilhan ng nagpanggap na buyer si Castro ng 2 sachet ng hinihinalang shabu sa halagang P1,500.

Sa isinagawang body search ay may nakuha pang karagdagang 4 na sachet ng pinaniniwalaang shabu na nakabalot pa ng papel.

Sa panayam ng Radyo Todo kay PLt. Condrado Espino, team leader ng Malay PNP nagsimula na ang kanilang surveillance kay Castro nitong first week ng October dahil naging matunog na ang kanyang pangalan sa bayan ng Kalibo.

“First week of October nagstart na kami kasi tumutunog na yung pangalan niya sa Kalibo. Nagtrabaho naman tayo dito [sa isla ng Boracay] dahil dito na siya nag-stay. Hindi na natin pinayagan na lumaki pa ang transaksyon niya” ani PLt. Espino.

Dagdag pa nito,” Ang method of transaction nito is bibili siya ng drugs sa ibang province dadalhin niya doon sa Kalibo bago niya dadalhin dito sa Malay. So ang operation niya is doon sa mga bar dito sa Boracay.”

Aniya pa si Castro ay itinuturing na Street Level Individual o SLI.

Samantala, isasailalim naman sa drug test ang suspek upang malaman kung gumagamit din ba ito ng droga malipat sa pagbebenta ng mga ito.

Sa kabilang banda naman ay mariing itinanggi ng suspek na si Castro ang nasabing operasyon ng mga awtoridad.

Ayon sa kanya, napagbintangan lamang siya dahil hindi siya sumasali sa ganitong uri ng aktibidad.

Giit pa niya, wala siyang record kaugnay sa pagbebenta ng droga at naniniwala siyang may naka-away siya sa bayan ng Kalibo kung kaya’t ito aniya ang paraan nila para makaganti.

“Owa gid Sir. Napagbintangan malang ako. May naka-away siguro ako tapos daya andang pamaagi para makabaeos.”

Kaugnay nito, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.|SM