Connect with us

Aklan News

Ginang, binaril ng di pa nakikilalang salarin sa pabahay sa New Washington

Published

on

Binaril ng hindi pa nakikilalang salarin ang isang ginang dakong alas-9 kagabi sa pabahay sa Brgy. Fatima, New Washington.
Sa panayam ng Radyo Todo sa biktimang si Joelyn Parce Zita, 53 anyos, naghahapunan umano sila ng kanyang asawa nang makita niya ang isang lalaking nasa labas ng kanilang bahay na nakasuot ng facemask, sumbrero at jacket.
Panay rin daw ang silip nito na parang may hinahanap kahit na hinahabol at tinatahulan na ng mga aso kaya nagtaka ang biktima at lumabas ng bahay para tingnan pero nagtago umano ang suspek.
Dalawang beses na lumabas ng bahay ang biktima para tingnan ang suspek bago pumasok ng bahay.
Isasara na nito ang pinto nang paputukan ito ng baril ng suspek.
Kitang-kita ng biktima na pinatong ng suspek ang baril sa gate at pinaputok ng tatlong beses.
Tumama ang dalawang bala sa kanyang hita kaya agad siyang isinugod sa ospital at ngayon ay nakatakdang operahan.
Batay pa sa biktima, wala siyang maisip na motibo ng suspek sa pamamaril dahil wala rin umano silang kaaway sa lugar.
Patuloy pa ngayon ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa nangyaring krimen.