Aklan News
Ginang na tumatawid sa kalsada, nabundol ng motor, patay
Dead on arrival sa Aklan Provincial Hospital ang isang ginang matapos mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa kahabaan ng Brgy. Tambak, New Washington dakong alas-6:30 ngayong gabi.
Napag-alaman na 19-anyos ang driver ng motorsiklo kasama ang angkas nitong 14-anyos na residente ng Brgy. Estancia, Kalibo.
Sa inisyal na impormasyon, patawid ang babae na residente rin lugar nang mabundol ito ng motorsiklo na patungo sa direksyon ng New Washington.
Sa panayam naman kay Jenny Tamayo, team 1 leader ng Mdrrmo New Washington, pagkadating nila sa lugar ay nakahandusay na ang biktima.
Bali ang dalawang kamay nito gayundin ang kaniyang kaliwang binti at nagtamo pa ng mga sugat sa katawan at mukha na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Samantala, sugatan rin ang dalawang sakay ng motor na parehong isinugod rin sa ospital.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng New Washington PNP kaugnay sa nangyaring aksidente.