Aklan News
Grupo ng salisi na naaresto sa Altavas, mahaharap sa kasong Theft
Ihaharap na ngayong araw sa korte ang 9 na mga indibidwal na miyembro ng isang grupo ng salisi matapos na mambiktima ng isang negosyante sa Altavas Public Market nitong umaga ng Huwebes.
Batay sa mga otoridad, nagpanggap umanong customer ang mga ito at habang nakikipag-usap sa mga tindera at helper ay doon na umano nila dahan-dahang kinuha ang bag ng negosyante na may lamang pera na aabot sa P20,000.
Ayon pa sa mga otoridad, ilang mga tindera pa ang kanilang kinausap ngunit masuwerte at wala natangay mula sa kanila.
Sinasabing, may mga ginamit pang props ang mga suspek at ang iba naman ay nagpanggap pang pipi na gumagamit ng sign language para makipag-usap sa mga tindera.
Tuluyang nahuli ang naturang grupo sa pamamagitan ng tulong ng ilang mga residente kung saan 2 sa mga ito ay na intercept sakay ng isang roro bus patungong Caticlan habang ang 7 naman ay sakay ng habal-habal papunta naman sa boundary ng Sapi-an at Altavas.
Narekober din sa kanila ang bag ng negosyante ngunit may bawas na umano ang pera.
Sa ngayon ay nakatakdang iharap sa korte ang 9 na mga suspek para harapin ang kasong Theft.