Aklan News
GRUPO NI BATAN MAYORALTY CANDIDATE MICHAEL RAMOS, BINANTAAN AT BINUNUTAN NG BARIL HABANG NANGANGAMPANYA
BINANTAAN at binunutan ng baril ng isang taga-suporta at sinasabing personal bodyguard ni Cabugao punong barangay at ABC President Rikrik Rodriguez ang grupo ni Mayoralty Candidate Michael Ramos habang nangangampanya nitong Abril a-26 sa So. Iwisan, Brgy. Cabugao, Batan.
Si Rodriguez ay tumatakbong bise-alkalde sa bayan ng Batan sa ilalim ng katunggaling partido nina Mayoralty Candidate Ramos.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Mr. Wendel Leonor, campaign manager ni Ramos, inihayag nito na habang nagsasagawa sila ng house-to-house campaign sa naturang lugar, pumukaw sa kanilang pansin ang dalawang taong nagsasagutan.
Nang ito’y kanilang lapitan nakita nila si John Felizardo alyas “Urok” ang sinasabing bodyguard ni kapitan Rodriguez na kasagutan ang isa sa kanilang ka-grupo.
Sinubukan aniya nilang lapitan at kausapin si alyas “urok” na kung puwede ay tumigil na ito at huminahon na lamang.
Subalit ikinagulat nila nang bumunot ito ng kanyang baril na nakalagay sa kanyang sling bag sabay kasa nito sa harap ng maraming tao.
Doon na lumapit kasamahan ng nasabing suspek at inakay ito papasok sa bahay ni punong barangay at vice-mayoralty candidate Rodriguez.
Kuwento pa ni Leonor na nagagalit umano si alyas “urok” sa kanila at nais nitong paalisin ang grupo ni Mayoralty candidate Ramos dahil ito ay balwarte ni Rodriguez na tumatakbo sa katunggali nilang partido.
Nagbanta pa umano si alyas urok sa kanila na patutumbahin kung hindi nila lilisanin ang lugar.
Dahil sa insidente, kaagad na himungi ng police assistance mula sa Batan PNP si Leonor upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Subalit nagdesisyon ang mga kapulisan na huwag nang pasukin ang bahay ni kapitan Rik-Rik dahil wala naman silang warrant of arrest para sa itinuturing suspek gayundin na hindi naabutan ng mga kapulisan ang aktwal na nangyari sa lugar.
Kaugnay nito, nagdesisyon na lamang ang kanilang kampo na iparekord sa Poblacion Barangay Council ang nangyari.
Samantala, handa naman ang bawat isa sa kanila na magsampa ng kaso laban kay John Felizardo alyas “Urok”.