Aklan News
HABAGAT, DAHILAN NG PAGKALAT NG SANDAMAKMAK NA DIKYA SA DALAMPASIGAN NG BORACAY
Habagat ang itinuturong dahilan ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation and Management Group (BIARMG) kung bakit napadpad ang sandamakmak na dikya sa white sand beach ng Boracay.
Magugunitang, kumalat sa social media ang larawang post ng isang netizen nitong Sabado, Mayo 14, tungkol sa mga dikya na kumalat sa tatlong stations ng Boracay maging sa Diniwid at Angol.
Paliwanag ni BIARMG General Manager Martin Despi, papunta sa direksyon ng white beach ang hangin o habagat kaya nagkumpulan ang mga dikya sa dalampasigan.
“The wind direction was southwest or habagat which was towards the White Beach. This caused the jelly fish to accumulate in the beach area,” ani Despi.
Sabi naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Aklan, laging napapadpad sa mga coastal areas ng probinsya ang mga dikya mula Mayo hanggang Setyembre dahil sa direksyon ng hangin.
Nag-abiso naman agad ang lokal na pamahalaan sa mga turista na huwag maligo sa mga lugar na may dikya.
Hindi naman raw nakalalason ang mga napadpad na jelly fish na kasinglaki ng hinlalaki pero possible itong magdulot ng pangangati o allergy.
Nawala naman ang mga dikya bandang alas-5, hapon ng Sabado at hindi na bumalik nitong Linggo.
Kumuha na rin ng samples ng naturang jelly fish ang Environmental Management Bureau para matukoy ang species nito na makakatulong raw sa pagtukoy ng panahon ng recurrence o pag-ulit ng pagpadpad nito sa isla