Connect with us

Aklan News

HAGUPIT NI #URSULA

Published

on

Mahigit sa 80,000 na pamilya at nasa 355,396 na indibidwal ang apektado sa pananalasa ng bagyong Ursula na humagupit sa probinsya ng Aklan noong araw ng pasko Dec. 25.

Ito ay base sa datus at report ng Aklan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Lima katao ang naitalang nasawi at 51 ang nasugatan sa nasabing kalamidad. Dalawa sa mga ito ang mula sa Ibajay, tig iisa mula sa Batan, Malay at New Washington.

Isa ang nananatiling missing sa bayan ng Malay habang 29 ang sugatan.

Sa kabuuan umaabot sa 69,955 na kabahayan ang partially damaged at 10,446 ang totally damaged dulot ng bagyo sa 17 bayan ng Aklan. Ang bayan ng Kalibo ang may pinakamaraming partially damaged houses na umaabot sa 10,806 at 2,593 ang totally damaged sumunod ang New Washington na may 8,188 partially damaged at 1,355 totally damaged houses.

Base sa pinakahuling damage assessment report ng PDRRMO, umaabot sa 13,400 families o 62,980 katao ang nabiktima ng bagyo sa Kalibo lamang.

Samantala, sa bahagi ng agrikultura umaabot sa P64.402 million ang pinsala nito sa probinsiya at P117.995 million naman sa imprastraktura. Ang bayan ng Buruanga ang may pinakamalaking pinsala sa imprastraktura na umaabot sa P97.5 million habang nasa P14.295 naman ang sa bayan ng New Washington.

Umaabot din sa P14.545 million ang pinsala sa agrikultura sa bayan ng Ibajay at nasa P16.889 million naman ang sa New Washington.

Naibalik na rin ngayong araw ang suplay ng kuryente sa ibang bahagi ng Kalibo sa pamamagitan ng Task Force Kapatid na kinabibilangan Iloilo Electric Cooperative I (ILECO I), Antique Electric Cooperative (ANTECO), Zamboanga del Norte Electric Cooperative (ZANECO) at Aklan Electric Cooperative (AKELCO).

Patuloy pa ang isinasagawang clearing operations ng Akelco sa mga nagtumbahang mga poste at mga puno sa mga daan lalo na sa mga baranggay.

Dec. 26, 2019 pagkatapos ng bagyo ay agad na isinailalim ang probinsya ng Aklan sa state of calamity sa pamamagitan ng SP Res. No. 2019-035.