Aklan News
Haresco: Ang pagtulong ay hindi lang para sa Tibyog kundi para sa lahat
“Ang ayuda para sa Aklan, para sa tanan.”
Ito ang binigyan-diin ni Cong. Teodorico “Ted” Haresco kasunod ng naging pahayag ni former Gov. Joeben Miraflores na binibigyan niya umano ng ayuda ang mga kalaban ng mga mayor ng Tibyog kaya sya nito kakalabanin sa 2025 elections.
Ayon kay Haresco, hindi siya naging kongresista para ibigay lamang ang ayuda sa mga taga Tibyog.
Giit ng kongresista, ang ayuda ay para sa lahat ng Aklanon at hindi lamang para sa mga kapartido.
“Sasabihin niya, ang ayuda para sa Tibyog? Eh hindi naman ako naging opisyal para ang ayuda ibigay lang sa Tibyog. Ang ayuda para sa Aklan… para sa tanan” pahayag ni Haresco.
“Alam niyo kapag na-ospital ang isang tao, hindi ko naman tinatanong kung tibyog ka ba o hindi? Kapag nasunugan ka ng bahay, hindi ko naman tinatanong na tibyog ka ba o hindi? Kapag nagbaha at saka walang pagkain ang tao, hindi ko naman tinatanong kung tibyog ka ba o hindi?” dagdag pa nito.
Binigyan-diin din ni Congressman Haresco na mula pa noon, ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Aklanon ang tangi niyang iniisip at hindi serbisyo para lamang sa iisang partido.
“Ang iniisip ko po mula noon pa, ang “public service” ay service para sa lahat ng Aklanon. Hindi yung serbisyo na para lang sa partido mo.”
Nilinaw din nya na marami ring mga taga Tibyog ang kanyang natulungan kagaya ng pagpapagamot kay Board Member Jojo Cordova kung saan umabot sa mahigit 2 Million pesos ang kanyang naitulong sa pagpapaopera nito sa Metro Manila.