Connect with us

Aklan News

Haresco: Hindi ko kinalaban ang mga pamangkin ko

Published

on

Pinanindigan ni Congressman Teodorico Haresco ang nauna na nitong sinabi na hindi niya kakalabanin ang kanyang mga pamangkin ngayong halalan 2025.

Ito ay sina Aklan Governor Joen Miraflores at Ibajay Mayor Miguel Miraflores.

“Mahal ko ang mga pamangkin ko. Sinabi ko na noon pa na hindi ko sila kakalabanin at pinanindigan ko ang sinabi ko sa kanila. Meron akong isang salita”, diin ni Haresco sa panayam ng Radyo Todo.

Kaya nalulungkot di umano siya na sa kabila nito ay kinalaban pa siya ng kanyang pinsan na ama ng mga ito na si dating Aklan Governor Joeben Miraflores.

“Nakita nyo naman. Nagpareelect akong Congressman para sa last term ko at ang anak ko ay Sangguniang Panlalawigan member lang”, dagdag ni Haresco.

Pagkatapos ng huling termino ko ay wala na akong plano sa politika sa Aklan dahil baka tanggapin ko na ang inaalok sa aking posisyon sa gabinete sa 2028.

Naniniwala naman si Congressman Haresco na posibleng ang tunay na dahilan ng kanyang pinsan ay ang kagustuhan nilang maupo ang lahat ng myembro ng pamilya Miraflores sa Gobyerno.

“Ang nakikita kong maaring dahilan nito maliban sa politika ay ekonomiya. Ekonomiya dahil kapag nagkataon ay apat na sila ang mauupo sa gobyerno. Ang nanay sa Uswag partylist, ang mga anak ay Gobernador at Mayor at sya naman ay Congressman,” pagdidiin ni Haresco. 

Sinusubukan naming kunan ng reaksyon dito si dating Governor Joeben Miraflores.