Aklan News
COVID POSITIVE NA HEALTHCARE WORKER SA AKLAN PROVINCIAL HOSPITAL, NABAKUNAHAN NG SINOVAC
KINUMPIRMA ni Provincial Health Officer Doc. Cornelio Cuachon na naturukan ng Sinovac vaccine ang isang health care worker (HCW) sa Aklan Provincial Hospital na nagpositibo sa COVID-19.
Naturukan siya ng Sinovac sa unang araw ng vaccination roll out noong Marso 10.
Hindi ito nakitaan ng anumang adverse effect ng bakuna pero nagsimulang makaramdam ito ng sintomas ng sakit gaya ng pagkawala ng panlasa at pang-amoy nitong Marso 17.
Kinuhaan ito ng swab specimen at lumabas na positibo noong March 18.
Ayon kay Cuachon, mataas ang risk na magkaroon siya ng COVID-19 dahil isa siya sa mga nagtatrabaho sa COVID ward ng ospital.
Ipinaliwanag din nito na hindi pa nakadevelop ng immune response o antibodies ang bakuna sa katawan nito dahil wala pang 2 linggo matapos itong bakunahan, “Ang bakuna, walang enough time to provide the protection, wala pang two weeks.” Ibig sabihin ay hindi pa aniya na activate ang bakuna.
Giit ni Cuachon na walang bakunang kayang magbigay ng 100% proteksyon laban sa COVID-19 pero malaki pa rin ang benepisyo na maibibigay nito dahil 50% epektibo ito laban sa mild symptoms, 78% sa moderate symptoms at 100% na epektibo laban sa severe symptoms.
Ligtas na man aniya ang naturang health care worker at sa ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.