Aklan News
HEPE NG MALAY PNP, INIREKLAMO NG PANG-AABUSO SA MGA NEGOSYANTE SA BORACAY

INIREKLAMO ng isang concerned citizen sa Police Regional Office VI ang hepe ng Malay PNP na si PLt.Col Don Dicksie De Dios dahil sa umano’y pang-aabuso nito sa mga negosyante sa isla ng Boracay.
Sa sulat na ipinadala ng concerned citizen na hindi nagpakilala kay Regional Director Police Brigadier General Flynn Dongbo, nakasaad na isang taon ng libreng nakatira si De Dios at ang kanyang buong pamilya sa La Carmela na pag-aari ni Boy So.
Batay pa sa sulat, nagrereklamo na din umano ang salon sa harap ng police station dahil halos isang taon na rin silang nagpapalibre sa pagpapagupit kahit konti lang ang kanilang costumer bunsod ng pandemya.
Maging si Henry Chuseuy ng Hennan Hotels ay galit na rin umano dahil palaging minumultahan ang kanyang mga empleyado ng P2500 dahil sa paglabag sa curfew kahit na nilinaw na ni Mayor Frolibar Bautista na exempted sa curfew ang mga empleyadong pauwi mula sa trabaho.
Batay pa sa sulat, 60% ng multang ito ay napupunta sa PNP.
Nagtatago na rin daw kay hepe ang mga negosyante sa Boracay dahil sa walang tigil na panghuhuthot nito ng libreng accommodation at pagkain para sa kanyang pamilya pati na ang monetary donations para sa kanyang mga ‘beautification projects’.
“Businessmen in the island are already hiding from him because of his non stop asking for free accommodations and meals for his family, as well as for monetary donation for his never ending beautification projects,” saad sa sulat.
Maging ang may-ari ng Andok’s aniya’y nagtatago na sa kanya dahil halos araw-araw ay nanghihingi ito ng suporta. Bago raw kasi ang pandemya ay lagi siyang nagdodonate ng bigas sa PNP pero ngayong nagkapandemya ay natigil ito. Pero kahit na ang pribadong brand new van ng Andok’s ay brinaso raw ng hepe para gamitin sa pagbisita ni Gen. Eleazar sa Boracay ng wala manlang gastos kahit pang gasolina.
“The owner of Andok’s is hiding from him because in the past she donated rice to the station but because of the pandemic, she can no longer give. Pero last month, puti ang brand new van na private vehicle ng Andok’s, brinaso ni Sir Chief para gamitin ni Gen Eleazar, imbes na sagutin ni Sir Chief kahit gasolina, baliktad at hinahanap si madam araw-araw para hihingi pa ng mas maraming suporta tulad daw ng dati e pandemic nga,” dagdag pa nito.
Kung dati ay nagbibigay ang LGU ng 15 sako ng bigas, ngayon ay naconvert na raw ito sa cash dahil sa kagustuhan ni De Dios pero wala namang natatanggap na meal allowance ang mga pulis.
Wala rin daw “good manners and right conduct” si hepe dahil ilang ulit na nitong ipinahiya ang mga opisyal ng Malay sa harap ng maraming tao.
Nabanggit pa sa sulat ang pangalan ni MDRRMO Chief Catherine Fulgencio na naiyak na lang umano sa galit at hiya dahil sa hepe at maging si Tourism Chief Sir Felix de los Santos raw ay hindi rin nakaligtas mula sa kanya.
“Mataas po palagi ang boses nya tapos ang tingin nya sa mga tao dito probinsyano na bobo at walang alam,” giit pa ng concerned citizen.
Dahil pa di umano sa masamang ugali ng hepe, pinagbabayad na rin ang mga pulis tuwing dadaan sa jetty port at sa tuwing bumibisita siya sa municipals office ay nakasuot ito ng black combat uniform na para bang terorista ang mga taga LGU para lang masiguro ang hinihingi niyang pera at gasolina.
“Dahil po sa masamang ugali ni chief, hindi na libre ang mga pulis sa bayad sa jetty port When he visit the municipal officials like the treasurer, GSO, and the Mayor he is wearing the black combat uniform with parang puti on his chest. Sobra na po! Terorista ba ang mga taga LGU at harap nya ang baril nya sa mga mas matanda sa kanya? Para sigurado yung request nya gasoline at pera,” giit pa nito.
Ipinagmamalaki pa raw ni De Dios na bata siya ni PNP Chief na Gel Sermonis.
Hiling pa ng concerned citizen na nagpadala ng sulat na sana ay ilipat ang hepe sa ibang lugar dahil nakakatakot ito at hindi nababagay sa Boracay.
“Sana po, kunin na lang siya ng general nya at huwag na lang siya dito. Ang ugali po nya pang Manila na lahat ng negosyo kailangan magbigay ng patung e hindi naman po kami ilegal. Nakakatakot po siya sa amin na Malaynon at Aklanon. Hindi po siya nababagay dito. We are praying for your proper decision.”
Sinubukan rin naming kunan ng pahayag si De Dios pero tumanggi itong magpaunlak ng panayam at iginiit na mas mabuting taga Provincial o Regional Office ang kapanayamin ukol sa isyu para hindi maging self serving.
Aniya pa, tapos na ang imbestigasyon ukol rito at walang katotohanan ang lahat ng alegasyon na ibinabato laban sa kanya.