Aklan News
Higit kalahating milyong halaga ng shabu, nasabat sa isang drug den sa Sta. Cruz Bigaa, Lezo
Nasa mahigit kalahating milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga otoridad matapos salakayin ang isang drug den sa Sta. Cruz Bigaa, Lezo kaninang madaling araw.
Ayon kay PDEA Aklan Provincial Officer, Investigation Agent V Nicholas Gomez, bangag pa sa ilegal na droga ang tatlong High Value Target (HVT) na suspek na isang babae at dalawang magkapatid na lalaki nang pasukin ng mga otoridad ang kanilang bahay.
Nakuha sa mga ito ang P30,000 na buy bust money kapalit ng isang sachet ng shabu.
Narekober pa sa kanila ang 17 dagdag na sachet ng droga na tinatayang nasa 55 gramo at may kabuuang halaga na P550,000.
Ayon kay Gomez, sila ang pinagkukunan ng droga ng mga street level individual at buong Western Visayas ang sakop ng kanilang operasyon.
Matagal na umanong ginagawa ng mga suspek ang iligal na aktibidad at ito na ang kanilang naging family business.
Tatlong buwan na isinailalim sa surveillance ang mga ito bago na buy bust.
Mahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, 12 Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Apela naman nito sa mga patuloy na gumagamit at nagtutulak ng droga na huwag nang hintayin na mahuli ng mga kapulisan at habang may oras pa ay sumailalim sa mga programa ng gobyerno at bumalik sa komunidad.