Connect with us

Aklan News

Hirit na taas-singil pasahe sa traysikel, pag-aaralan ng SB Members ng Kalibo

Published

on

Pinag-aaralan ngayon ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang hiling ng mga grupo ng tricycle operators at driver’s association na dobleng singil sa pamasahe sa Kalibo ngayong GCQ.

Ayon kay Chairman of Committee on Transportation na si SB Matt Aaron Guzman, isasangguni niya sa Committee Hearing ang naturang usapin para makabuo sila ng tamang desisyon ukol sa hiling ng mga tricycle operators at drivers.

Unang nagsumite ng petisyon sa SB ang Federation of Kalibo Tricycle Operators and Drivers Association, Inc. o (FOKTODAI) nitong May 19, para hilingin sa konseho na pahintulutang maningil ng doble sa mga pasahero.

Iginiit ng mga driver na ito ay para mapunan ang kanilang lugi dahil sa ipinapatupad na social distancing sa mga pampublikong sasakyan.

Sa ngayon ay pinahihintulutan lamang ang pagsakay ng dalawang pasahero sa kada tricycle at ang regular na pamasahe ay nagkakahalaga ng P9.

Ayon kay Guzman, naiintindihan niya ang saloobin ng mga driver gayunpaman kailangan isaalang-alang din nila ang hinaing ng mga pasahero.

Marami rin umano silang natatanggap na reklamo mula sa mga pasahero ngayong panahon ng krisis at hinihikayat niya ang mga ito na pormal na magreklamo lalo na sa mga driver na sobra kung maningil ng pamasahe.

Sa ngayon, hinihintay na lang ang itinakdang oras para sa Committee Hearing.