Aklan News
‘HOSPITAL WASTE’ SA AKLAN SPORTS COMPLEX SA CALANGCANG MAKATO, KUKUNIN NA; PROVINCIAL HOSPITAL HUMINGI NG PAUMANHIN
Humingi ng paumanhin ang hanay ng Aklan Provincial Hospital at nangakong kukunin ang mga ‘medical waste’ na natuklasang itinambak sa Aklan Sports Complex sa barangay Calangcang Makato.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Makato Sangguniang Bayan member Nerli Delacena, chairman on Committee on Health na nagsagawa sila ng pagdinig ukol dito kasunod ng ipinadalang sulat ng Calangcang Barangay Council sa kanila.
Ayon kay Delacena, nakasaad sa naturang sulat na nais paimbestigahan ng Calangcang Barangay Council ang walang koordinasyong pagtapon ng mga basurang PPE’s (Personal Protective Equipment) at iba pang basura ng mga COVID-19 patients sa nasabing Sports Complex.
Ito ay dahil sa pangamba nila na maaring may masamang epekto sa kalusugan ng mga residente sa lugar ang mga nakatambak na COVID wastes ng Provincial Hospital sa nasabing lugar.
Kaugnay nito napagkasunduan umano nila sa isinagawang pagdinig na kukunin na ang mga naturang basura sa Oktubre 15 ng kasalukuyang taon.
Dagdag pa nito na hindi na sila papayag na tapunan pa ng basura ang sports complex gayundin na tanggalin na ang istrakturang inilagay doon.
Maaalalang kinumpirma sa Radyo Todo ni Barangay Chairman Neil Tumbukon ng Calangcang, Makato na wala silang natanggap na koordinasyon at ikinagulat na lamang nito ang tambak na hospital waste sa likurang bahagi ng Aklan Sports Complex.
Napag-alaman na na-disinfect na ang mga basura bago pa ito inilipat doon noong September 10 kung saan sinasabing nakatakda sana itong dalhin sa syudad ng Iloilo ngunit nagkaroon ng aberya ang sasakyan na magkakarga nito kaya pansamantala munang inilagak sa lugar.
Ang naturang pagdinig ay dinaluhan na mga Calangcang Barangay Council, representante mula sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital, Aklan State University, Makato Campus, RHU-Makato, at mga Sangguniang bayan members.