Aklan News
HUE HOTEL SA BORACAY, PINASARADO MUNA DAHIL SA COVID


PINASARADO ng Aklan Provincial Government ang Hue Hotel sa Boracay matapos mapag alaman na hindi maayos ang pasilidad na pinaglagyan ng kanilang empleyado na nagpositibo sa Covid 19.
Sa sulat na ipinadala ni Aklan Provincial Administrator Atty. Selwyn Ibarreta kay Sheryl Chan, General Manager ng Hue Hotel, napag-alaman na nauna nang nakiusap sa Municipal Health Office ng Malay ang Hue Hotel na sa facility lang ng hotel ika-quarantine ang naturang empleyado.
Ngunit natuklasan ng surveillance team ng Provincial Epidemiology and Surveilance Unit na sa barracks lang pala ng mga gwardya dinala ang empleyado at hindi ito makoksiderang quarantine facility para sa Covid patient.
Dahil dito ay kinuha ng Provincial Task Force against Covid 19 ang pasyente at dinala sa Quarantine Facility sa Kalibo.
Napag-alaman na inirekomenda ni Malay Municipal Health Officer Dra. Athena Magdamit kay Provincial Health Officer Dr. Cornelio Cuachon na kunin sa Boracay ang pasyente dahil sa nakakaawang kalagayan nito.
Ngayong araw ay ipinasara ang Hue Hotel na tatagal ng dalawang araw para isailalim sa disinfection at para hindi na kumalat ang virus.