Connect with us

Aklan News

HUSTISYA, SIGAW NG PAMILYA NG 62-ANYOS NA LALAKI NA BINARIL-PATAY SA BAYAN NG MALINAO

Published

on

Hustisya ang sigaw ng pamilya ng 62-anyos na lalaki na binaril-patay habang papunta sa simbahan sa Brgy. Rosario, Malinao nitong Enero 9.

Ang nasabing biktima ay kinilalang si Nonito Nam-ay, ng Sitio Fatima, Brgy. Bulabod, Malinao na dead-on-the spot matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sa panayam ng Radyo Todo kay Nomelyn Nam-ay, anak ng biktima, isang malaking kawalan para sa kanilang pamilya ang biglaang pagkamatay ng kanyang ama.

Ayon kay Nomelyn, mabait, matulungin at mapagmahal ang kanyang ama kaya’t hindi nila matanggap ang nangyari dito.

Sa katunayan aniya kahit may sarili na siyang pamilya ay hindi pa rin siya pinapabayaan ng kanyang ama.

Hindi rin umano mahirap lapitan ang kanyang ama dahil handa itong tumulong sa kahit paanong paraan.

Samantala, sa paunang imbestigasyon ng Malinao PNP, posibleng pinagplanuhan ang ginawang pagpatay sa biktima dahil may bahagi ng lugar sa crime incident na posibleng pinagtaguan ng suspek habang hinihintay itong dumaan.

Ayon kay PLt. Zacharias R. Rose, sinabi nito na isa pala ang biktimang si Nam-ay sa mga suspek sa pagpatay sa isang lalaking natagpuang walang buhay sa Sitio Fatima noong nakaraang taon.

Napag-alaman na dinismiss na ng korte ang kaso laban kay Nam-ay subali’t nalaman na lamang ito ng kaniyang pamilya matapos ng insidente.

Nananawagan naman ang pamilya ng biktima sa kung sino man ang nakakita sa pagpaslang sa kanilang padre-de-pamilya na kung maaari ay makipagtulungan sa kanila para sa sinisigaw nilang hustisya.