Aklan News
Ilang Aklanon stranded sa Batangas Port matapos mawalan ng trabaho sa Manila
Stranded hanggang ngayon sa Batangas port ang pamilya ni Evelyn Panagsagan na taga Banga, Aklan matapos silang magbakasakaling makaluwas ng probinsiya dahil sa kawalan ng trabaho at hirap ng buhay sa Manila.
Ayon kay Panagsagan, marami sa kanila ang nawalan ng trabaho dahil sa mga kompanyang nagbawas ng tao ngayong panahon ng pandemya.
Dagdag pa niya, simula Hunyo 29 pa sila stranded sa Batangas pier kasama ang may 200 iba pa na nagbabakasakaling makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.
Isang bakanteng gusali malapit sa port ang nagsisilbi nilang tirahan kung saan kanya-kanya silang naglalatag ng karton sa sahig na semento para maging higaan.
Aniya, walang nag-aasikaso sa kanila at walang tulong na natatanggap mula sa gobyerno.
Ayon pa sa iba nilang kasamahan, dalawang beses lang silang kumain sa isang araw, may mga kasamahan na rin silang nagbebenta ng cellphone para may pambili ng makakain.
Noong Hunyo 28, sinuspende ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang lahat ng biyahe ng mga Locally Stranded Individuals (LSI) sa Western Visayas dahil sa tumataas na bilang ng mga LSI na nagpopositibo sa sakit na COVID-19.
Ipinaabot ng Radyo Todo ang kanilang sitwasyon kay Presidential Management Staff, Balik Probinsiya Program head, Asec Joseph Joy Encabo at mabilis naman itong tumugon at nangako na magpapadala ng tulong.