Connect with us

Aklan News

Ilang menor de edad sangkot sa ‘prostitusyon’ sa Roxas City – konsehal

Published

on

ROXAS CITY – Nababahala ang isang konsehal sa Roxas City sa aniya umiiral na prostitusyon sa ilang lugar sa lungsod na kinasasangkutan umano ng ilang menor de edad.

Ito ang ipinahayag ni Konsehal Moring Gonzaga sa kanyang privilege speech sa ika-28 regular session ng Sanggunian.

“Ang mga minors ginabugawan sang mga senior citizens. Ara ina. Especially sa Roxas Avenue, Pavia, Legaspi, Magallanes, McKinley. Ara ina,” pahayag ng opisyal.

Naobserbahan umano niya ito sa kanyang paglilibot sa gabi sa Roxas City.

Aniya, ilang establisyemento ang nag-o-operate ng walang kaukulang permit sa city government kung saan dito tumatambay ang mga menor de edad para magsigarilyo, uminom at masangkot sa prostitusyon.

Dagdag pa ni Konsehal Moring, ilang ordinansa umano ang nakakaligtaan nang ipatupad gaya ng curfew for minors, smoking ordinance at pagbabawal ng pag-inom sa mga pampublikong lugar.

Naobserbahan rin ng lokal na mambabatas ang paglaganap ng ilang aktibidad gaya ng iligal gambling at iligal na droga sa ilang barangay sa syudad dahil sa kakulangan ng police visibility.

Nababahala siya na maaaring makadungis ito sa imahe ng lungsod.

Kaugnay rito nananawagan siya sa mga kasama sa Sanggunian na tulungan ang pamahalaang panglungsod at ang mga kapulisan para malutas ang mga suliraning ito.

Inerefer ni Vice Mayor Erwin Sicad ang usaping ito sa Committee on Police para sa kaukulang disposisyon.