Aklan News
Illegal na pagpaparenta ng housing unit sa Brgy. Briones, iniimbestigahan
Iniimbestigahan na ngayon ang illegal na pagpaparenta ng isang housing unit ng National Housing Authority (NHA) sa Brgy. Briones, Kalibo.
Ito ay matapos madiskubre ni Punong Barangay Rafael Briones ang ginagawang illegal na pagpaparenta sa isang unit na bigay ng gobyerno dahil sa natanggap na reklamo sa barangay.
Ayon sa nangungupahan na si Romeo Andrade, P500 kada buwan ang napagkasunduan nilang halaga ng renta sa bahay.
Nakapagbigay na umano sila ng P1500 na downpayment para sa tatlong buwang renta pero wala pang isang buwan silang naninirahan dito ay pinapaalis na sila ng may-ari.
Ito ay dahil natuklasan na ang kanilang illegal na pagpaparenta sa housing unit na ipinagbabawal sa ilalim ng batas.
Sinabi pa ni Andrade na nakakatanggap sila ng pang-haharass at death threat sa text mula sa may-ari ng unit na kanilang inuupahan kaya nagpasya na silang magsumbong sa punong barangay.
Ani Andrade, binigyan sila ng mga ito ng dalawang araw para makahanap ng malilipatan pero hindi raw ito sapat para makahanap agad sila ng bagong mapaglilipatan.
Patuloy pa ngayon ang imbestigasyon ni Engr. Marlo Villanueva, Head ng Local Housing Board kaugnay sa nabanggit na usapin.