Aklan News
ILLEGAL TERMINATION SA EMPLEYADONG 14 TAONG NAGTRABAHO SA CBTMPC, PINABULAANAN NG CHAIRMAN
Sinagot ni Godofredo Sadiasa, Chairman ng Caticlan‐Boracay Transport Multi‐Purpose Cooperative (CBTMPC) ang isyung illegal termination sa isa sa kanilang empleyado na labing apat na taon nang nagtatrabaho sa kanila.
Pahayag ni Sadiasa, nagsimula ito nang ipatawag ng board ang empleyadong si Mergie Torres upang magpaliwanag kung bakit ayaw nitong magsubmit ng mga kaukulang dokumento para ayusin ang kanyang kontribusyon sa Social Security System (SSS).
Pero binalewala ito ni Torres na pamangkin din ni Sadiasa sa loob ng labing apat na taon.
Napilitan ang board na i-terminate ang nasabing empleyado dahil sa insubordination na may kaukulang parusang termination of service base sa ipinalabas na Resolution No. 133 series of 2020 dahil sa patuloy na pagsuway sa kautusan ng board.
Samantala, sinagot din ni Sadiasa ang alegasyon ni Torres sa walang pakundangang paggastos ng pondo ng kooperatiba, katulad aniya ng paggasta nila ng aabot sa mahigit kumulang 2 milyong piso sa pagpapagawa ng nasirang upuan ng isa sa kanilang fast craft.
Aniya, wala itong katotohanan base na rin sa mga dokumento na hawak nila.
Wala rin daw katotohanan ang akusasyon na hindi nila tinaggap ang ayuda galing sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga empleyadong naapektuhan ng pandemya.
Hinikayat din ni Sadiasa si Torres na magsampa ng kaukulang kaso sa DOLE kung sa kaniyang paniniwala ay may nalabag na labor laws ang kooperatiba.