Aklan News
IMPLEMENTASYON NG MOTOR VEHICLE INSPECTION SYSTEM, POSIBLENG SIMULAN SA MARCH AT APRIL – LTO AKLAN
Maaaring masimulan na sa Marso o Abril ang implementasyon ng bagong programa ng Land Transportation Office (LTO) na Motor Vehicle Inspection System (MVIS) dito sa Aklan.
Ayon kay Aklan LTO Chief Marlon Velez, nakatanggap na sila ng utos na simulan na ang pagpapatupad ng bagong polisiya ng LTO na pag require ng pasadong certificate mula sa Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) para sa pagpaparehistro ng sasakyan.
Sinabi ni Velez na may dalawang slot para sa inspection center sa Aklan.
Isa dito ang malapit ng matapos o nasa halos 90% na kumpleto ng PMVIC sa Brgy. Pook, Kalibo.
Ipinaliwanag nito na magiging computerized at electronic na ang magiging inspeksyon gamit ang mga makina na iooperate ng mga inspector at technician.
Pero ayon sa kanya may ilang parte pa rin ng sasakyan na kailangan sumailalim sa manual inspection.
Kaugnay nito, wala pang napag-uusapang magiging presyo ng inspection fee sa mga PMVIC, pero sinabi nito na dadaan pa sa LTO ang magiging rate nito.
Sa ngayon ay Roxas City palang aniya ang nakapagsimula ng implementasyon ng bagong polisiya dahil nauna na silang makapagtayo doon ng PMVIC.