Aklan News
Ina ng 7-anyos na batang nabugbog sa Altavas, aminadong may pagkakamali
AMINADO ang ina ng pitong taong gulang na batang binugbog ng kanyang tiyuhin sa Altavas na mayroon siyang pagkukulang sa kanyang anak.
Sa panayam ng Radyo Todo sa ina ng biktima, isinalaysay nito na kinuha ng kanyang biyanan ang noon ay 2 taong gulang palang na biktima at kanyang pitong taong gulang na kuya sa Manila.
Dahil sa hirap din siya sa Manila at wala ring sariling tirahan, nagpasya siyang ipagkatiwala ang mga anak sa kanyang biyanan sa Aklan.
Noong una raw ay nagpapdala pa siya ng pera sa mga bata pero kalaunan ay nawalan na siya ng contact sa kanila at matagal nang hindi nakapagpadala at nagparamdam sa mga bata.
“Noong una nagpapadala ako kahit isang libo lang, pero nung bandang huli matagal na akong hindi nagpadala kasi nga wala na kaming contact ng biyanan ko. May pagkakamali po ako dun sir kasi nung huli hindi na po ako nagparamdam, hindi na po ako nagbigay ng sustento,” kwento niya.
Ngayong dumating ang balita tungkol sa sinapit ng kanyang anak sa kanyang tiyuhin, nais niya na umuwi ng probinsya para maalagaan ang bata na nasa ospital.
Kasalukuyan pang nagpapagaling ang bata na binugbog ng kanyang tiyuhin nitong Nobyembre a-15 dahil natapon nito ang nakabilad na palay.