Aklan News
Iniwang sinaing, itinuturong sanhi ng sunog sa isang bahay
Dahil umano sa iniwang sinaing, aksidenteng nasunog ang kusina ng isang bahay mag-aalas 5:00 kahapon ng hapon sa Pook, Kalibo.
Ayon kay FO1 Jan Ryl Magno, fire investigator ng BFP Kalibo, nagsaing umano noon ang may-ari ng bahay na si Jenalyn Zonio, subali’t iniwan umano nito ang niluluto at pumunta sa kanyang tindahan tinatayang 20 metro ang layo sa kanyang bahay.
Nagulat na lamang umano nito pagbalik nang makitang nasusunog ang kanyang kusina.
Kaagad namang dumating ang mga bombero at kaagad pinuksa ang apoy, sa tulong din ng mga residente sa lugar.
Nabatid na gawa sa light materials ang kusina sa unang palapag ng bahay ni Zonio, habang bahagya rin umanong nasunog ang bubungan doon sa ikalawang palapag.
Tinatayang umaabot sa P15,400.00 ang halaga ng pinsalang iniwan ng sunog, habang wala namang napaulat na nadamay o nasugatan sa insidente.