Connect with us

Aklan News

Insurance sa pagpasok sa Boracay, voluntary at hindi sapilitan

Published

on

IMAGE: Mary Ann Solis/Radyo Todo Aklan

HINDI SAPILITAN ang pagbabayad ng P100 na accident insurance na inaalok bago pumasok sa isla ng Boracay.

Sa panayam ng Radyo Todo sa CEO ng insurance purveyor na Dragon’s Gem Trading na si Leah Ordonez, ipinaliwanag niya na inaalok lamang nila sa mga turista ang accident insurance at hindi ito mandatory o kasama sa mga requirements bago makapasok ng isla.

“Hindi po kami gumagamit ng salitang mandatory o requirement. Wala pong insurance na nagsasabi ng ganyan. Ang lahat po ng insurance ay ini-ooffer at kinukuha ng naaayon sa kagustuhan ng ating mga kababayan, wala pong sapilitang ginagawa,” saad niya sa panayam ng Radyo Todo.

Ang ipinasang Municipal Ordinance No 444 ng LGU Malay ang ginagawa nilang basehan ng pag-aalok ng insurance na nagkakahalaga ng P100 sa mga turista na sinimulan nang ipatupad ngayong huling linggo ng Nobyembre.

“Amin pong ina-approach ang mga turista. Ini-encourage po namin sila na kumuha nitong accident insurance bago pumasok ng isla ng Boracay. Ang pinagbabasehan po ng pag-aalok ay ang bagong ordinansa na naipasa ng pamahalaang Malay na nag-eencourage sa mga turista para sa kanilang dagdag proteksyon habang nasa loob ng isla ng Boracay,” paliwanag pa niya.

Sakop ng P100 na insurance ang 72 hrs na pananatili sa Boracay isang turistang nag-avail nito.

Sakaling may mangyaring hindi inaasahan, makakakuha sila ng accidental death and disablement insurance na P50,000; unprovoked murder and assault na P50,000; accidental medical reimbursement P5000, P5000 na burial assistance at P10,000 na ambulance assistance.

Utos umano ng lokal na pamahalaan na dapat agarang maibigay ang insurance sa pinakamadaling proseso at bago umalis ng bayan ng Malay ang isang nagkaroon ng aksidente.

“Karamihan sa mga turista lalo na sa mga foreigner ay may mga travel insurance or accident insurance na sila pero ang paliwanag dito sa amin at ang isa sa pinakamatinding utos sa amin ng LGU Malay ay kapag ang isang turista ay kumuha ng accident insurance sa amin at within the area of Boracay ay naaksidente, kami na kanilang kinuhaan ng insurance ay nariyan agad para sa kanila. Kaibahan ng kanilang insurance na kinuha nila sa kanilang origin, hindi po sila agad na matutulungan,” pahayag pa ni Ordonez.

Dagdag pa niya, nag-aaverage sila ngayon ng hanggang sa 50 kliyente kada araw.