Connect with us

Aklan News

Int’l flights sa Kalibo International Airport, naapektuhan ng diplomatic issue ng Pilipinas at China

Published

on

Isa umano sa mga dahilan kaya nabawasan ang international flights sa Kalibo International Airport (KIA) ang diplomatic issue sa pagitan ng Pilipinas at ng China sa West Philippine Sea.

Ito ang isiniwalat ng CAAP Manager ng KIA na si Monico Basallote sa panayam ng Radyo Todo.

Sinabi ni Basallote na isa sa mga hamon na kinakaharap niya bilang bagong CAAP Manager ang pagbawas ng mga international flights.

Nagsimula umanong bumaba ang mga international flights noong pandemic at sa kasalukuyan ay tatlo lang ang daily international flights sa KIA na parehong galing sa Incheon, South Korea.

Inilahad rin niya na halos nakadalawang international flight lang ang China nang magdesisyon silang tumigil na dahil sa isyu ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

“Yung China sana, they will start operating kaya lang naka-ano lang sila ng twice o thrice tapos nag-stop dahil sa diplomatic issue between Philippines and China,” pahayag niya. “Yun talaga yung reason nila based don sa letter.”

Bukod pa rito, dumami na rin aniya ang flights sa Caticlan Airport at pinipili na ng mga turista ang Caticlan dahil mas malapit ito sa Boracay Island.

Nabangggit rin ni Basallote na as of June 2024, mayroon na silang P19 million na kita sa KIA.

Pero inaasahan pa rin niya na sana ay madagdagan pa ang mga flights para mas dumami pa ang kita ng paliparan.

Si Basallote ay apat na buwan pa lang na nakaupo bilang airport manager ng Kalibo International Airport.

Siya ay isang Bicolano na naka-assign sa Roxas City Airport bago pumalit kay dating acting airport manager na si Engr. John Willian Fuerte.