Aklan News
ISA PANG INSIDENTE NG ‘LIGAW NA BALA’, NAITALA NG NUMANCIA PNP
Numancia – Blangko parin ang Numancia PNP sa kung sino ang suspek o responsabling nagpaputok ng baril na tumama sa isang bahay sa Laguinbanwa East, Numancia na pinaniniwalaang nangyari sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Nalaman ng mga otoridad ang nasabing insidente dahil sa post ng isang follower ng kanilang face book page.
Ayon sa Numancia PNP, kaagad umano nilang pinuntahan ang lugar na tinutukoy ng nasabing post kung saan nakilala ang may-ari ng bahay na si Herbeth Antonino-Vargas ng Laguinbanwa East, Numancia.
Ayon sa salaysay ni Vargas sa mga pulis, natuklasan umano ng 9 na taong gulang niyang anak na may butas ang aluminum screen door ng kanilang kusina habang may tama din ang kahoy nitong pintuan, rason na kaagad niya itong ipinagbigay-alam sa kanyang ina.
Kasunod nito, nakita rin umano nila ang isang bala o stray bullet sa sahig malapit sa pintuan.
Narekober naman ng mga rumesponding pulis ang isang basyo o empty shell ng calibre 32 na baril sa halos 60 metro ang layo mula sa nasabing bahay.
Kaagad dinala ng mga pulis ang mga narekober na bala at basyo para sa
karampatang disposisyon.
Mapalad naman na walang nasugatan sa nasabing insidente.