Aklan News
ISA PATAY, IBA PA SUGATAN SA INSIDENTE NG PAMAMARIL AT PANANAKSAK
Isa ang patay matapos saksakin, habang isa ang sugatan matapos barilin sa loob ng isang compound alas 10:50 kagabi sa Bougainvilla St., Andagao, Kalibo.
Nakilala ang biktima ng pamamaril na si Lindy Rebinito, 37 anyos, habang nakilala naman ang biktima ng pananaksak at binawian ng buhay na si Jovany Naral, 42 anyos.
Sugatan din ang iba pang sangkot sa komosyon na sina Jiven Rebenito, 33 anyos, Ranny Boy Moreno, 29 anyos, at Reynan Rebinito, 32 anyos, lahat residente ng nasabing lugar. Base sa inisyal na imbistigasyon ng Kalibo PNP, dumating sa compound si Jovany at pinasok ang compound na armado ng baril at patalim at naghamon ng away.
Kasunod nito, malapitan umano nitong binaril si Lindy sa tiyan gamit ang kalibre 38 baril.
Komosyon na umano ang sumunod na eksena kung saan naagaw ni Ranny Boy ang patalim at sinaksak sa iba’t-ibang parte ng katawan si Jovany.
Kaagad pa sana itong dinala sa ospital subali’t hindi na umabot ng buhay, habang patuloy namang ginagamot doon si Lindy.
Samantala, dinala at ginamot din sa ospital ang mga nabanggit na biktima matapos magtamo ng sugat sanhi ng komosyon, at kasalukuyang nasa kostodiya ng Kalibo PNP Station para sa karampatang disposisyon.
Samantala, sa inisyal na impormasyong nakalap ng Radyo Todo, sinasabing nagharap kahapon sa barangay ang panig ni Jovany at Lindy dahil sa dati umano nilang alitan subali’t hindi umano ang mga ito nagkaayos.
Patuloy naman ang imbistigasyon ng Kalibo PNP sa insidente.
Makikita sa larawan ang mga patalim at armas na ginamit sa krimen.