Aklan News
ISINUSULONG NA MANDATORY MILITARY SERVICE, SUPORTADO NI BOARD MEMBER NERON
Nagpahayag ng pagsuporta si Aklan Sangguniang Panlalawigan member Nemesio Neron sa isinusulong na mandatory military service para sa mga mamamayang Pilipino.
Ayon kay board member Neron pabor siya sa nasabing hakbang dahil ito ay kailangan natin sa ngayong panahon.
Kailangan umano nating maging handa dahil sa ngayon ay sinasakop na ng mga malalakas at makapangyarihang bansa ang mga bansang mahihina.
Aniya, ang mandatory military service ay ginagawa rin sa ibang bansa gaya ng America, Japan, Korea at iba pa kung saan ang isang indibidwal na edad 18 anyos pataas ay kailangang sumailalim sa aktwal na military training.
Inihalimbawa din ni Neron ang bansang Israel kung saan ayon sa kanya, kahit maliit na bansa lamang ito ay hindi kayang talunin ng ibang bansa dahil ang lahat ng mga mamamayan nito ay mayroong tamang pagsasanay sa militar.
Saad pa ng opisyal, maaaring ang mga kumokontra sa nasabing mandatory military training ay walang pagmamahal at hindi gustong proteksyonan ang ating bansa.
Si Neron ay dating ay kasapi ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP).