Aklan News
ISYU SA RESCUE VEHICLE NG BARANGAY ODIONG SA BAYAN NG ALTAVAS, NILINAW NI VICE-MAYOR REFOL
Binigyang-linaw ni Altavas Vice Mayor Denny Refol Sr. na ang rescue vehicle ng mga barangay sa bayan ng Altavas ay puwedeng gamitin sa lahat ng bagay.
Sa programang TODO komentaryo, tinawag ng bise-alkalde na “all purpose” ang kanilang mga rescue vehicle kung saan puwede itong gamitin sa lahat ng bagay na kailangan ng barangay.
“Donasyon ruyon nga mga saeakyan it munisipyo sa kada-barangay.. ngane, bukon eang it semento ro ginakarga karon eh, kung mga okasyon hay mga tawo hay ginakargahan man.. gina-service naton dun. Kung may mga okasyon nga ginahueam ro bangko it barangay, ginahueam ro lamesa hay una gid tanan ron. Kapareho man iya sa munisipyo ron, nga tanan among saeakyan iya, nga kung may namatyan hay gina-service naton dun. Kung naga-hinyu ro pumueoyo, hay ginataw-an naton ron it pag-okupar sa gina-request nanda”, pahayag ni Refol.
Ang naturang pahayag ni Refol ay tungkol sa pumutok na isyung ginagamit umano ni kapitan Arnoldo Cortes Palomo ng Bgry. Odiong, Altavas ang kanilang rescue vehicle bilang ‘personal vehicle’ kung saan nakita itong may kargang saku-sakong semento imbes umanong gamitin sa pagresponde sa pamilyang Benidecto.
Aniya, maliit lamang sana itong problema ngunit mas humaba at lumaki dahil sa sari-saring reaksyon matapos itong kumalat sa social media.
Dagdag pa ni Refol na maaring nagkaroon lamang ng problema sa komunikasyon ang dalawang panig.
Nilinaw rin nito na malayo ang agwat ng oras ng paghingi ng tulong ng pamilya Benidecto na gamitin ang naturang sasakyan at ang oras kung saan namataang may kargang semento ang nasabing rescue vehicle.
Binigyan-diin ng bise-alkalde na ipinapagamit nila ang mga rescue vehicle sa anu mang okasyon at dito rin ikinakarga ang lahat ng mga pangangailangan ng barangay.
Sinabi pa nito na dahil sa naturang isyu ay nadamay pa ang ibang mga barangay sa buong probinsiya ng Aklan.
Kaugnay nito, ipinasiguro ni Refol na bibigyan niya ito ng panahon at paiimbestigahan.
Napag-alaman na ang mga rescue vehicle ng mga barangay ay donasyon galing sa kanilang munisipyo.