Aklan News
KAHIT MAY OPOSISYON BOARD MEMBER NEMESIO NERON, IGINIIT NA KAILANGANG I-REVISIT ANG PROVINCIAL ROAD SAFETY ORDINANCE
Iginiit ni Aklan Sangguniang Panlalawigan member Nemesio Neron na kailangang ma-revisit ang Provincial Road Safety Ordinance upang masaklaw nito ang dumaraming numero ng bicycle enthusiast sa probinsiya.
Ito ay bilang tugon ni Neron sa pahayag ni Board Member Jay Tejada, ang principal author ng nasabing ordinansa na hindi na kailangang magkisali pa ang SP-aklan dito dahil mayroon ng task force para sa implementasyon nito.
Ngunit ayon kay Neron, napag-alaman niyang hindi pa nakapaloob sa Provincial Road Safety Ordinance ang hinggil sa mga nagbibisikleta.
Dagdag pa nito na wala umanong nakasaad na guidelines sa nasabing ordinansa tungkol sa mga bicycle enthusiast sa mga provincial road.
Wala umano siyang naalala na nabanggit o napag-usapan nila tungkol sa mga nagbibisikleta o kahit bicycle lane man lang noong binabalangkas pa lamang ang nasabing ordinansa.
Dahil dito ay buo ang paniniwala ni Neron na kailangan nilang bisitahin at pag-aralan muli ang hinggil sa road safety ordinance ng probinsiya.
Sa pamamagitan umano nito ay puwedeng magkaroon ng mga amendment kung kinakailangan lalo na sa task force na mangangasiwa sa implementasyon.
Sa kabilang banda, kinuwestyon naman ni Board member Soviet Russia Dela Cruz kung bakit kailangang i-prohibit ang mga nagbibisikleta sa probinsiya.
Aniya ito ay isa sa mga paraan na makatulong upang mabawasan ang psychological effect ng pandemya dulot ng COVID-19.
Subalit, nilinaw ni Neron na ang planong pagsasagwa ng inquiry ay hindi upang ipagbawal ang mga nagbibisikleta kundi ang makabuo ng mga tamang panuntunan para sa kanilang kaligtasan.
Samantala, inihingi naman ni SP member Dela Cruz ng paumanhin ang kanyang naunang pahayag dahil na-misinterpret niya lamang ito.