Aklan News
KALIBO MAYOR LACHICA SINAGOT ANG ISYU TUNGKOL SA P70-MILLION PESOS NA BUDGET NA IBINALIK SA NATIONAL FUND


Pinabulaanan ni Kalibo Mayor Emerson Lachica na pinabayaan nila ang naunang P70-million pesos na budget mula sa national government para sana sa rehabilitasyon ng nasunog na Kalibo Public Market.
Taliwas ito sa naunang pahayag ni Vice Governor Boy Quimpo na pinabayaan umano ng executive department ang nasabing budget na nagmula sa national government na hawak na sana ng LGU-Kalibo.
Aniya, ganun pa rin ang mangyayari kung ire-repair lamang ang merkado publiko at hindi matutuloy ang kanilang plano na bagong mukha na Kalibo Public Market.
Para sa alkalde, mas makabubuti kung ang kanilang ipapagawang public market ay mayroong parking area upang hindi mahirapan ang mga mamimili na may mga sasakyan lalo na ang mga tricycle drivers.
Nais ng pamahalaang lokal na ang gagawing bagong public market ay maipagmamalaki sa buong Pilipinas kahit na hindi pa ito nagiging syudad.
Samantala, ipinahayag pa ni Mayor Lachica na ang loteng nais nilang pagtayuan ng relocation site ay ibinibenta sa tamang halaga kaya nagtataka umano sila kung bakit ayaw silang payagan na bilhin ang nasabing lote.
Kung matatandaan ipinahayag din ni Vice-Governor Quimpo na ang nasabing lote ay nabili lang umano ni Mr. Mel Robles noong 2018 sa halagang 1,365 per sq. meter pero noong 2019 ay inalok niya sa LGU-Kalibo sa halagang P10,000 pesos per sq. meters.
Sinagot din ng alkalde ang pahayag ng bise-gobernador na ang nasabing lote ay nasa klasipikasyong agrikultura at sa ilalim ng isang agricultural free patents na inisyu lamang ng national government noong Nobyembre 2020.
Ayon kay Lachica ang nasabing lote ay isang commercial area batay sa kanilang zoning ordinance na inaprubahan din ng Sangguniang Panlalawigan.
Naniniwala naman si Mayor Lachica na matutuloy ang lahat ng mga development project sa bayan ng Kalibo pagkatapos ng 2022 national at local elections.