Aklan News
KALIBO PUBLIC MARKET, MANANATILI SA KANYANG KINATATAYUAN
MANANATILI sa kasalukuyang kinatatayuan ang merkado publiko ng Kalibo.
Ito ang pahayag ni Kalibo Mayor Lachica sa panayam ng Radyo Todo kaugnay sa plano nitong magkaroon ng bagong mukha ang Kalibo Public Market.
Ayon sa alkalde prayoridad pa rin nila na maitayo ang 5-storey building na bagong public market kung saan ang ground floor nito ay magsisilbing parking area na pangunahing problema sa bayan ng Kalibo.
Saad pa nito na ang nasabing proyekto at iba pang mga priority projects ng Kalibo ay dumaan sa Municipal Development Council dahil ito ang nagsisilbing governing body ng lahat ng Local Government Unit (LGU).
Aniya pa, nais na niyang ma-relocate ang mga stall owners at vendors ng Kalibo Public Market dahil simula ng masunog ito noong taong 2019 ay hindi man lamang sila nabigyan ng relocation site.
Ito ay dahil sa hindi umano tinanggap ng majority ng Sangguniang Bayan na maging relocation site ang lote sa harap ng Ace hospital kung saan ibinebenta ito sa lokal na pamahalaan sa mababang presyo.
Samantala, hindi naman sang-ayon si Lachica sa balitang kung sakaling magpalit man ng administrasyon, ay ililipat ang nasabing public market.
Pahayag ni Mayor Lachica na mas makabubuti na manatili sa kanyang kinatitirikan ang merkado publiko dahil ito ang sentro ng kalakaran at komersyo.
Dagdag pa nito na kung ang mga negosyante at taumbayan din aniya ang tatanungin ay hindi rin sila papayag dito.
Sa kabilang banda, sakaling palarin sa kanyang susunod na termino, plano ng alkalde na i-upgrade ang kasalukuyang Rural Health Unit ng Kalibo upang maging ospital.