Connect with us

Aklan News

Kapabayaan ng ilang medical staff, itinuturong dahilan sa pagkamatay ng isang pasyente na inilipat sa isang pribadong ospital mula sa DRSTMH

Published

on

Naniniwala ang pamilya Alonzo ng Manocmanoc, Boracay na kung hindi sila pinabayaan ng mga medical staff ng Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital ay nakaligtas pa sana ang kanilang pasyente.

Ayon kay Jomella Alonzo, anak ng pasyente, hindi niya aakalain na ang hospital na akala niya makakatulong sa kanyang ama ay ang magiging dahilan pa ng pagkamatay nito.

Aniya, pinabayaan sila ng mga staff ng ospital at hindi binigyan ng tamang serbisyo.

Pagdating pa lamang umano nila noong Setyembre 28 ng ala-una ng madaling araw ay hindi na sila pinapansin.

Nag-abot lamang umano ang staff ng gamot at hindi man lang nito tinulungang mapa-inom sa pasyente.

Dagdag pa nito, kahit nakikita na ng mga staff na nagsusuka at nahihirapan ang kanilang ama ay tila bulag pa rin ang mga ito.

Maliban dito, noong ililipat na nila ang kanilang ama sa pribadong ospital, kahit driver ng ambulansiya ay wala.

Wala din umanong nurse ang nag-assist sa kanila.

Saad pa ni Jomella, nilagyan pa ng mga staff ng tubo ang kanilang ama kahit wala itong consent mula sa kanila.

Saka lamang gumalaw ang mga staff noong nakita na nilang na-cardiac arrest ang biktima.

Kwento pa ni Jomella sa Radyo Todo, nailipat nga nila sa pribadong ospital ang kanilang ama ngunit huli na umano dahil kalauna’y binawian rin ito ng buhay.

Nanawagan ang pamilya Alonzo ng hustisya para sa kanilang ama na dapat sana’y nabigyan ng magandang serbisyo ng Aklan Provincial Hospital.

Sa ngayon ay sinusubukan ng Radyo Todo na kunin ang pahayag ng ng pamunuan ng ospital para sa isang patas na pamamamahayag.