Aklan News
Kapalaran ng Kalibo Public Market, ipinauubaya na lamang ni Mayor Lachica sa bagong administrasyon
IPINAUUBAYA na ni Mayor Emerson Lachica sa susunod na administrasyon ang pagpapagawa ng bagong Kalibo Public Market.
Aniya, bahala nang magdesisyon ang susunod na administrasyon kung ipagpapatuloy nila ang pinaplano niyang bago at modernong mukha ng merkado publiko.
Dagdag pa ng alkalde, kung isasailalim lamang ito sa rehabilitasyon magiging problema pa rin nito ang parking area.
Masasayang lang din ayon kay Lachica ang ipapa-ayos dito dahil habang tumatagal ay dumadami ang populasyon gayundin ang mga sasakyan na magdudulot ng congestion sa Kalibo.
Binigyan-diin nito na hindi rin papayag ang mga stakeholders at vendor ng Kalibo Public Market na malipat sa ibang lugar ang merkado.
Umaasa naman si Lachica na maibibigay ng uupong bagong punong ehekutibo ang inaasam na progreso ng mga Kalibonhon.
Samantala, inihayag ng alkalde na kung natuloy sana ang pagpapatayo niya ng bagong mukha ng Kalibo Public Market, ito sana ang magiging kauna-unahang state-of-the-art public market sa Pilipinas.