Aklan News
Kapitan, kagawad ng Cupang, Banga, sinuspinde
PINATAWAN ng Sangguniang Bayan ng Banga ng suspension ang kapitan at isang kagawad ng barangay Cupang dahil sa kinakaharap nilang kasong administratibo.
Suspendido ng anim na buwan si Barangay Chairman Risa Relojo at dalawang buwan namang suspension ang ipinataw sa kagawad nitong si Lyzette Reposar.
Nag-ugat ito sa administrative case no. 2022-002 para sa dishonesty misconduct in the office and commission of an offense involving moral turpitude na isinampa ni Kagawad Emily Rentino laban sa dalawang opisyal ng barangay.
Batay sa nakalap na impormasyon ng Radyo Todo, isinampa ang nasabing kaso sa Office of the Ombudsman at inindorso ito sa Sangguniang Bayan ng Banga dahil ito ang may hurisdiksyon dito.
Kaagad naman itong ni-refer ng Sangguniang Bayan sa Committee on Laws, Rules and Ordinances upang malaman ang probable cause and substance ng nasabing reklamo.
Matapos nito ay bumuo ang konseho ng investigating panel upang ma-imbestigahang mabuti ang mga inirereklamong elected officials.
Matapos ang masusing imbestigasyon at paglilitis, napagdesisyunan ng investigating panel, na isuspinde si Relojo at Reposar dahil sa access ang mga ito sa official documents gayundin upang maiwasan na makontamina ang mga importanteng dokumento laban sa kanila.
Dahil sa nasabing suspension, walang honorarium na matatanggap si Relojo at Reposas habang sila ay suspendido.