Connect with us

Aklan News

KAPITAN NG BAKHAW NORTE, KALIBO PINABULAANAN NA MAY NANGYARING POLITICAL RALLY SA BLESSING NG KANILANG COVERED COURT

Published

on

Pinabulaanan ni Punong Barangay Maribeth Cual na may nangyaring political rally sa isinagawang blessing ng kanilang covered court sa barangay Bakhaw Norte, Kalibo nitong Martes, Disyembre 14.

Paglilinaw ni kapitan Cual na ang mga nakitang politiko sa nasabing okasyon ay kanilang mga panauhin na nagpaabot na kaniya-kaniyang tulong at pagbati.

Sa katunayan aniya ay hindi siya nag-abalang mang-imbita dahil iniiwasan din nila ang posibilidad na pagkumpulan ng mga tao at maaaring hindi masunod ang ipinapatupad ng minimum health standard lalo na ang physical distancing.

Samantala, ipinahayag ni punong barangay Cual na ang nasabing covered court ay naisakatuparan nila sa tulong ni dating Kalibo Mayor William Lachica.

Aniya, ito ang kanyang hiniling kay former Mayor Lachica dahil alam niyang malaki ang maitutulong nito sa lahat ng residente ng kanilang barangay lalo na kung sila’y may mga isinasagawang aktibidades.

Pagsasalaysay ni Cual ginawan niya ito noon ng resolusyon na direkta nilang dinala sa mismong opisina ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar upang mabigyan ng budget.

Pahayag pa nito na lubos ang kanyang pasasalamat kay former mayor William Lachica dahil sinamahan siya nito sa Maynila sa pagsumite ng kanilang resolusyon na malaking bagay dahil sa napabilis ang pagbibigay ng pondo para sa pagsasagawa ng nasabing proyekto.

Ipinagmalaki rin ng opisyal na maaari nilang makuhaan ng revenue ang nasabing covered court kung saan bukas ito sa lahat upang rentahan para sa ibat-ibang okasyon.

Napag-alaman na ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng mahigit P3.3 million pesos.