Aklan News
KAPITAN NG CALANGCANG, MAKATO, IPINATAWAG NG SANGGUNIANG BAYAN DAHIL SA REKLAMO NG EDISON BUILDERS AND CONSTRUCTION SUPPLY


Ipinatawag ng Makato Sangguniang Bayan si Calangcang Punong Barangay Niel Tumbokon kaugnay sa reklamo ng Edison Builders and Construction Supply na hindi nito pagtanggap sa isang proyekto sa kanilang barangay.
Kasabay ng pagdalo ni Tumbokon sa Committee hearing ng Committee on Rules and Procedures at Committee on Barangay Affairs and Development ay isinumite rin niya ang kanyang verified answer patungkol sa reklamo ng nasabing contractor.
Sa panayam ng Radyo Todo, nanindigan si Punong Barangay Niel Tumbokon na kailangang may maipakitang proof of legal source of aggregates bilang post-qualification requirement ang Edison Builders and Construction Supply kaugnay sa road concreting project sa barangay Calangcang, Makato, Aklan.
Ayon kay kapitan Tumbokon, handa siyang pirmahan ang Certificate of Acceptance ng naturang contractor kapag maipakita nito ang nasabing requirement na nakasaad sa Executive Order No. 009 series of 2021 ni Aklan Provincial Governor Florencio Miraflores para sa lahat ng mga proyektong imprastraktura, nasyunal man o lokal na proyekto.
Aniya, gusto niya lamang siguraduhing nasunod ang tamang proseso sa nabanggit na proyekto upang sa huli ay hindi siya masisi ng kanyang nasasakupan dahil ito’y nasa kanyang hurisdiksyon.
Samantala naniniwala si Tumbokon na maliban sa hinihingi nitong requirement mula sa contractor ay sub-standard din ang pagkakagawa ng nasabing proyekto.
Matatandaang nitong buwan ng Oktubre ay nagpadala ng demand letter ang contractor ng nasabing proyekto sa opisina ni Kapitan Tumbokon para sa issuance ng kanilang certificate of acceptance.