Aklan News
Karpintero nakuhaan ng bulto ng shabu at granada sa Balete
Isang bulto ng shabu at granada ang nakuha ng mga awtoridad mula sa isang karpintero na subject sa buy bust operation kaninang umaga sa Sitio Bantayan, Brgy. Calizo, Balete.
Kinilala ang akusadong si Arvi Ambrocio, 33- anyos na kasalukuyang nangungupahan sa nasabing lugar.
Nabilhan si Ambrocio ng isang bulto ng suspected shabu kapalit ng P21,000 na buybust money.
Salaysay niya, paalis palang sana siya ng bahay para magtrabaho nang dumating ang mga otoridad para siya ay arestuhin.
Itinanggi nito na sa kanya ang nakuhang illegal na droga pero narekober mula sa kanyang bulsa ang ginamit na buy bust money.
Bukod dito, nakuha rin sa posisyon ni Ambrocio ang isang kutsilyo at granada na nakalagay sa kanyang motor na ikinaalarma ng mga otoridad.
Pahayag naman ni PMAJ Bryan Alamo, hepe ng Balete PNP, dati na rin umano itong nakulong matapos mahuli sa ilegal na pagbebenta ng baril.
Napag-alaman na ilang buwan din itong under monitoring ng PDEU-Aklan at may mga parokyano ito mula sa iba’t-ibang lugar sa Aklan.
Sa ngayon ay nasa kostudiya na ng Balete PNP ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 9516 o Illegal Possession of Explosive.