Aklan News
Karpintero, sinaksak-patay ng isang tindero sa barangay Lupo, Altavas
Wala nang buhay nang matagpuan ang isang karpintero sa Barangay Lupo, Altavas nitong umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Leo Belarmino, 50, residente ng nabanggit na lugar at may tama ng saksak sa kanyang leeg at tiyan.
Kinilala naman ang suspek na si Rosel Fojas, 26, at nagtatrabaho bilang isang tindero sa Altavas Public Market.
Ayon kay PSSgt. Christian Ureta, imbestigador ng Altavas PNP ang suspek na si Fojas ang huling nakasama ni Belarmino bago nangyari ang krimen.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Altavas PNP, nag-iinuman ang biktima at lima pa nitong kasamahan ng bigla na lamang dumating ang naka-inom na rin na suspek.
Pagkatapos nito ay nauna nang umuwi ang dalawa sa kainuman ni Belarmino at makalipas ang ilang minuto ay nagyaya din ang tatlo pa nitong kasamahan na magpunta sa isang lamay sa barangay Tibiao sa bayan din ng Altavas.
Ngunit dala ng kalasingan, hindi na sumama ang biktima at naiwan silang dalawa ng suspek.
Saad ni Ureta, ito ang naging circumstantial evidence kung kaya’t natukoy nila na si Fojas ang sumaksak-patay kay Belarmino.
Dahil dito, kaagad pinuntahan ng mga kapulisan ang bahay ng suspek ngunit hindi na nila ito naabutan doon at natunton nila ito sa loob ng Altavas Public Market.
Napansin umano kaagad ng mga kapulisan na hindi mapakali, namutla at biglang nanginig ang suspek dahilan na umamin kaagad ito sa kanyang nagawang krimen nang matanong tungkol sa nangyari.
Inamin aniya ng suspek na siya ang sumaksak sa biktima at hindi na nito maalala kung bakit niya ito nagawa.
Dagdag pa ng imbestigador, inihayag ng suspek sa kanilang interogasyon, na walang may nangyaring komosyon sa pagitan nila ng biktima subalit walang sabi-sabi ay inundayan niya na lamang ng saksak si Belarmino matapos na maalala ang galit nito noong election dahil nawala ang kanyang pangalan sa listahan.
Samantala, narekober naman mula kay Fojas ang 9 na pulgadang patalim na kanyang ginamit sa pagsaksak-patay sa biktima.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Altavas PNP ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong murder.|SM/RT