Aklan News
Kaso ng dengue sa Aklan bumaba ng 32 porsyento – PHO
BUMABA ng 32 porsyento ang bilang ng kaso ng dengue sa lalawigan ng Aklan.
Ito ay matapos makapagtala ang Provincial Health Office ng 478 accumulated dengue cases mula Enero 1 hanggang Oktubre 14, 2023.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Roger Deboque ng PHO-Aklan, sinabi nito na ang nasabing bilang ay mas mababa kumpara sa 689 cases noong nakaaraang taon.
Aniya pa, lahat na ng bayan sa lalawigan ay mayroon ng kaso ng dengue.
Nangunguna sa may pinakamaraming dengue cases ang Kalibo (97), sumunod ang bayan ng Ibajay (88); Nabas (54); New Washington (42); Balete (22); Banga, (21); Numancia (21); Libacao (20); Malinao (17); Altavas (16); Malay (15); Tangalan (14); Madalag (130; Makato (9); Lezo (8); Buruanga (6) at bayan ng Batan na may isang kaso.
Saad pa ni Deboque, on-going na ang kanilang monitoring sa lahat ng mga LGU lalo na ngayong papasok ang tag-ulan.
Batay sa record ng PHO, ang mga edad 1 hanggang 10 taong gulang ang may pinakamaraming bilang sa tinamaan ng dengue.
Sumunod dito ang mga edad 11 hanggang 20 taong gulang.
Paliwanag ni Deboque, ito ang mga edad ng mga bata na nasa paaralan kung saan sila din ang maituturing na ‘vulnerable’ pagdating sa nasabing sakit.
“Indi gid naton pagtaw-an it tsansa rayang mga lamok nga nagadaea it virus paagi sa pagtakop it aton nga mga drum o balde kung gatipon kita it tubi. Ro pag-collect ag pagpilak ta sa basurahan it owa man naton ginagamit nga mga lata ag bote ag tanan nga mga bagay nga pwede makatipon it tubi especially makaron nga naga-umpisa euman ro pag-inuean. Ro paglimpyo gid sa aton nga palibot para maiwasan naton ro pag-abo eoman it mga lamok ngara nga nagadaea it dengue,” paalala ni Deboque sa publiko.
Samantala, kabilang sa mga sintomas ng dengue ay lagnat na may kasamang pananakit ng mata, kalamnan o buto, pagsusuka at pamamantal na karaniwang tumatagal ng dalawa hanggang pitong araw.