Aklan News
Kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease sa Aklan, sumipa na sa 121
KABUUANG 121 na kaso na ng Hand Food and Mouth disease ang naitala sa lalawigan ng Aklan.
Ito ang kinumpirma ni J-Lorenz Dionisio, Nurse II ng Provincial Health Office (PHO) Aklan sa panayam ng Radyo Todo.
Aniya, batay ito sa record ng Epidemiology and Surveillance Unit ng PHO Aklan mula Enero 1 hanggang 29 ng taong kasalukuyan.
Mula sa nasabing bilang, nangunguna sa may pinakamataas na kaso ang bayan ng Malinao na may 48; sumunod ang bayan ng Numancia na may 29; Kalibo na may 16 cases; Malay na may siyam na kaso; anim sa Banga; limang kaso sa bayan ng Lezo, dalawa sa Libacao at isa sa Batan.
Saad pa ni Dionisio na karamihan sa mga tinatamaan ng nasabing sakit ay ang mga batang edad 1 hanggang 10 taong gulang kung saan ang pinakabata ay 2 months old na sanggol at ang pinakamatandaang tinamaan ay 14 na taong gulang.
Kalimitan aniya ay mga kabataan ang tinatamaan ng HFMD ngunit maaaring magkaroon din nito ang mga may edad na.
Ang mga bata ang posibleng makaranas ng mga sintomas dahil mas mahina ang kanilang immune system kumpara sa mga matatanda.
Dagdag pa ni Dionisio, hindi ito gaanong seryosong sakit subalit nakakahawa ito sa mga bata.
Ang batang mayroong HFMD ay maaaring makahawa sa kapwa bata nito sa pamamagitan ng talsik na laway, pagbahing o paghawak sa mga bagay na kontamindao ng naturang virus.
Nagiging delikado ang HFMD kapag nagkaroon na ng komplikasyon sa bata tulad ng pagka-dehydrate dahil ang pinaka pangunahing sintomas nito ay lagnat, mouth sores or singaw at mga rashes.
Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko lalo na ang mga magulang na bantayang mabuti at siguraduhin ang kalinisan sa kanilang mga anak.