Aklan News
Kaso ng suicide sa Boracay lumobo sa 7 mula Mayo
LUMOBO na sa 7 ang bilang ng mga naitalang suicide cases sa isla ng Boracay sa kasagsagan ng pandemya mula Mayo base sa record ng Boracay PNP.
Unang naitala nitong Mayo ang kaso ng isang 20 anyos na biktima sa Brgy. Yapak na natagpuan ng kanyang kalive-in na nakabitin dakong alas-6 ng umaga. Ilang beses na umano itong nagpahayag sa kanyang balak na magpakamatay.
Sinundan ito ng kaso ng isang grade 10 student na nagpakamatay noong June 5 habang kinukuhaan pa ng video ang sarili sa parehong barangay.
Nitong August 28 naman, natagpuan nalang ang isang 27 anyos na empleyado ng LGU Malay na nakabitin sa Brgy. Manocmanoc.
Ang pang-apat ay nailista noong August 29 sa Brgy. Manocmanoc, matapos kitilin ng isang 28 anyos na lalaki ang sariling buhay dahil umano sa selos at pagkakaintindihan ng kanyang kalive-in partner.
Nitong August 30, natagpuan din ang 19 anyos na lalaki na nakabitay sa Brgy. Yapak. Ayon sa pamilya ng biktima, nakapagsabi pa sa kanila ang biktima ukol sa plano nitong magpakamatay dahil tinatawag na umano siya ng kanyang kaibigan na nauna na ring nagsuicide.
Nadiskubre naman nitong September 18, dakong alas10:40 ng umaga ang walang buhay na katawan ng isang 34 anyos na lalaki na nakasabit sa puno sa Sitio Tulubhan, Manocmanoc. Hindi naman naniniwala ang pamilya ng biktima na nagpakamatay ito at nagrequest sa PNP na isailalim ang bangkay sa autopsy.
Pinakahuling nailista ng Boracay PNP nitong September 21 ang kaso ng isang 54 anyos na mister na sinasabing may iniindang karamdaman. Ayon sa ulat, ito ang ikaanim na beses na sinubukan niyang magpakamatay.
Sa kabuuan, pito na ang bilang ng mga suicide case na naitala sa bayan ng Malay mula buwan ng Mayo.
NOTE:
Kung ikaw ay may problema at gusto mo ng kausap, maaari kang tumawag sa:
National Center for Mental Health Crisis Hotline (NCMH-USAP) sa 0917-899-USAP (8727) o sa 7-989-USAP (8727).
Hopeline PH 24/7 hotlines:
0917-558-4673 (Globe)
0918-873-4673 (Smart)
2919 (toll-free for Globe and TM)