Aklan News
KASONG ADMINISTRATIBO NA KINAKAHARAP NI MADALAG MAYOR ALFONSO GUBATINA, PAG-AARALAN PA NG AKLAN SANGGUNIANG PANLALAWIGAN
Nagpasya ang Committee on Laws ng Aklan Sangguniang Panlalawigan na pag-aral munang mabuti ang kasong administratibo ni Madalag Mayor Alfonso Gubatina na isinampa sa kanya ng kanyang bise-alkalde na si Rex Gubatina.
Ayon kay Board Member Nemesio Neron, kailangan muna nilang masiguro na mabigyan ng nararapat na hustisya ang bawat isa.
Nais umano nilang magkaroon ng ‘carefree actions’ ang lahat ng mga kasong idinudulog sa Aklan Sangguniang Panlalawigan.
Kaya’t sa ngayon ay pag-aaralan muna nilang mabuti ang nasabing kaso laban kay Mayor Gubatina upang mas mabigyan ng kaukulang aksyon.
Samantala, ayaw pang magbigay ng ibang komento ni Neron hingil sa kaso upang maiwasan ang pre-judgement at hind imaging unfair sa magkabilang-panig.
Magugunitang sinampahan ng kasong administratibo, partikular ng Dishonesty and Misconduct in Office ni Vice Mayor Rex Gubatina ang kanyang pinsan at alkalde ng bayan ng Madalag na si Mayor Alfonso Gubatina.
Nag-ugat ang nasabing kaso laban sa alkalde dahil sa paglabag nito sa ilang probisyon ng Local Government Code of 1991 matapos magpatayo ng evacuation center sa isang private property sa Barangay Talimagao, Madalag na walang awtoridad na ibinigay ang Sangguniang Bayan ng Madalag.