Aklan News
KASONG ISINAMPA LABAN SA SUSPEK SA TINAGURIANG SAN JOSE, ROMBLON MASSACRE, IBINASURA NG PISKALYA
Ibinasura ng piskalya ang 3 Counts of Murder na isinampa laban kay Patrick Rufino Cajilig, suspek sa tinaguriang San Jose, Romblon massacre.
Sa tatlong pahinang resolusyon na inilabas ni Investigating Prosecutor Rafael Badillo Familaran noong February 28, 2022 na inaprobahan naman ni Deputy Provincial Prosecutor at Officer in-charge ng ROMBLON Provincial Prosecutors office noong March 11, 2022 ay ibinasura ang kasong isinampa laban sa nasabing akusado dahil umano sa kawalan ng probable cause.
Kung matatandaan, si Cajilig ang itinuturong suspek sa pagpatay mag-iinang Welyn Mendoza, 29 anyos at mga anak nito na sina TJ, 9 at BJ, 7 na natagpuang patay sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Upper Hinulugan, Poblacion San Jose, Romblon noong January 26, 2022.
Ayon sa piskalya, kahit na mahinang depensa ang pagtanggi sa isang krimen ay kinakailangan mapatunayan ng nag-aakusa sa hukuman, base sa mga isinumiting ebidensya na ang suspetsado ang responsable sa pagpatay sa mga biktima.
Subalit hindi umano aktwal na napatunayan na ang itunuturong salarin ang siyang gumawa ng krimen kayat inirekomenda ng nasabing prosecutor ang pagbasura sa kasong pagpatay laban kay Cajilig.