Aklan News
KASONG LIBELO KAY CABRERA, IBINASURA NG PISKALYA
Kalibo, Aklan – DALAWANG BESES NA IBINASURA ng Aklan Provincial Prosecutors Office ang kasong libelo na isinampa ni Dra. Karen Gracia Magharing laban sa broadcaster ng Radyo Todo Aklan na si Jonathan Cabrera.
Ito ay may kinalaman sa interview ni Cabrera sa programang Todo Latigo noong May 2017 kay Gemma Gaytano matapos mamatay ang anak nito habang ipinapanganak sa Provincial Hospital kung saan si Magharing ang doktor.
Maalalang may narinig na “Lagatok” si Gaytano na inakala nyang nabali ang leeg ng kanyang anak na posibleng ikinamatay nito.
Dahil dito ay nagsampa ng reklamong libelo si Dra. Magharing laban kay Cabrera at Gaytano dahil nasira diumano ang kanyang reputasyon sa nangyaring pagsasahimpapawid ng live interview.
Ngunit ayon kay Cabrera, hindi nito agad binigyan ng konklusyon ang paniniwala ni Gaytano at ginawa nya ang lahat ng paraan para makunan ng paliwanag ang nasabing Doktor ngunit hindi ito maabot kung kaya’t ang Chief of Hospital ang nagpaliwanag sa pangyayari at ipinarinig din ito sa radyo.
Dagdag pa, ipinarinig rin sa programa ni Cabrera ang nangyaring dayalogo ni Gaytano at ni Dra. Magharing at binasa ang Certificate of Fetal Death ng sanggol kung saan sinasabing ilang oras na itong patay bago pa man ipinanganak.
Noong Pebrero ay ibinasura ng piskalya ang reklamo kay Cabrera dahil naniniwala sila na ibinalita lang nito ang pangyayari na isang “public interest” at wala itong malisyosong intention na siraan si Magharing.
Ngunit nagsampa ng Motion for Reconsideration sa piskalya si Magharing at iginiit na may malisya ang pagbabalita ni Cabrera.
Kamakailan lang ay nag isyu ng panibagong Resolution ang piskalya at pinanindigan na naging patas ang pamamahayag at pagdala ni Cabrera sa nasabing isyu kung kaya’t ibinasura nila ang Motion for Reconsideration.
Samantala, itinuloy naman ng pisklaya ang kasong libelo kay Gaytano.